--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang paghahanda ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela para sa nalalapit na Bambanti Festival na idaraos mula ikadalawamput dalawa hanggang ikadalawamput pito ng Enero.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Provincial Tourism Officer Joanne Dy Maranan sinabi niya na unang isasagawa ang Thanksgiving Mass sa ikadalawamput dalawa ng Enero bilang pasasalamat sa nakalipas na magandang ani ng mga magsasaka noong 2023.

Pagkatapos nito ay bubuksan naman ang Agro-Eco-Tourism Booths o Bambanti Village sa Provincial Capitol ng Isabela at kasunod din nito ang isasagawang Fun Run.

Pagkatapos ng Fun Run ay may Mini Party rin aniyang isasagawa.

--Ads--

Ang tema ng Bambanti Festival ngayong taon ay “Ettam Ngana Ta Isabela” o pag-imbita sa lahat na magtungo sa Isabela at maranasan ang kagandahan ng Bambanti Festival at makita kung ano ang mga magagandang lugar at masasarap na pagkaing ipinagmamalaki ng Isabela.

Pangungunahan naman ito ni Vice Gov. Faustino “Bojie” Dy III bilang Director General ng Festival kung saan inihayag niya na magbibigay siya ng insentibo na nagkakahalaga ng P300,000 para sa mga alkaldeng sasali sa lahat ng contested events.

Magsisimula na rin sila sa susunod na linggo para sa Queen Isabela Pageant habang ang grand coronation night ay sa ikadalawamput lima ng Enero sa Queen Isabela Park.

Sasalihan aniya ito ng dalawamput walong naggagandahang kandidata.

Sa ikadalawamput lima naman ng Enero ay isasagawa ang Makan ken Mainom Competition o ang Master Kusinero Competition.

Iprepresenta rin sa ikadalawamput lima ng Enero ang King and Queen Attire.

Susundan naman ito ng Street Dance and Showdon Competition sa ikadalawamput anim ng Enero at mag-uumpisa ng alas kwatro ng hapon sa Isabela Sports Complex.

Ayon kay Officer Maranan kakaiba ang Street Dance Competition ngayong taon dahil walang props kaya pagalingan na lamang ito sa pagsasayaw.

Sa ikadalawamput pito ng Enero ay gaganapin naman ang Grand Pasasalamat Concert kung saan featured ang singer na si Morisette at bandang The Juans.

Mayroon ding Fun Bike sa alas singko ng umaga ng ika-dalawamput pito ng Enero.

Maliban dito ay may tatlo pang sport events na gaganapin pangunahin na ang 3X3 Basketball Tournament at Volleyball Tournament sa Cauayan City habang Badminton Tournament naman ang gaganapin sa Lunsod ng Ilagan

Buong linggo naman aniya ang Music Festival sa Queen Isabela Park at maraming mang-aawit at mga DJs ang ife-feature dito.

Tiniyak naman niyang may mga events pang maaring idaragdag habang kasalukuyan ang kanilang paghahanda.