Labis ngayon ang pasasalamat at kasiyahan ni Queen Isabela Tourism Sandrine Desiree Cristobal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Queen Isabela Tourism Sandrine Desiree Cristobal, sinabi niya na labis ang kaniyang kasiyahan matapos ang pagkapanalo sa Queen Isabela 2026.
Aniya, hindi maiwasang kabahan pa rin siya lalo na’t isa siyang introvert na hindi sanay sa malalaking crowd at entablado.
Inihayag niyang nagawa niyang maitawid ang kompetisyon habang itinatago ang kaniyang kaba.
Kahit bagito pa lamang sa pageantry at ilang ulit pa lamang sumabak sa kompetisyon, nakuha na ni Sandrine ang isa sa mga prestihiyosong titulo sa Queen Isabela.
Bagamat nabigong makuha ang back-to-back win para sa Cauayan City matapos ang pagkapanalo ni Jarina Sandhu noong 2025, proud pa rin kay Sandrine ang kaniyang mga kababayan.
Kung matatandaan, si Sandrine ay isang nurse sa isang pribadong ospital sa Cauayan City. Subalit dahil sa pagmamahal niya sa pageantry, nag-resign siya sa trabaho upang makapag-focus sa kaniyang paghahanda sa Queen Isabela.











