--Ads--

CAUAYAN CITY – Isinailalim sa State of Calamity ang lalawigan ng Quirino dahil sa malaking pinsala ng bagyong Ompong sa mga pananim at imprastraktura.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sinabi ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Susie Leal na matapos ang kanilang partial damage report ay idineklara agad sa State of Calamity sa lalawigan.

Umaabot sa mahigit 200 million pesos ang halaga ng pinsala at inaasahan pa itong madagdagan hanggang Biyernes kapag natanggap na nila ang terminal damage report mula sa mga bayan sa Quirino.

Sa mga produktong agrikultura, ang halaga ng pinsala ay 154 million peso, sa mga pampublikong gusali ay 188,000 habang 3,000 sa Irrigation system.

--Ads--

Ang halaga ng mga nasirang daan at tulay batay sa datos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay 98 million pesos kasama na ang iba pang mga gusaling nasira dahil sa bagyo.

May naitalang 76 na nasirang bahay habang umabot sa 2,000 na pamilya o 9,523 na indibidwal ang inilikas at nabigyan ng 1, 050 na food packs.

Sinabi pa ni PDRRM Officer Leal na handa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quirino na tulungan ang mga naapektuhan ng kalamidad.