
CAUAYAN CITY – Nanatiling ligtas sa Coronavirus Disease (COVID-19) ang lalawigan ng Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Quirino Provincial Health Officer Mila Villar, sinabi niya na COVID-19 free pa rin ang lalawigan taliwas sa lumabas na ulat na ang Batanes na lang ang COVID-19 positive free sa region 2.
Paliwanag ni Dr. Villar na sa pamamagitan ng kanilang pag-trace ay napag-alaman nila na ang tatlong sinasabing kaso ay negatibo sa RT-PCR test.
Ang mga naitala ay hindi na residente ng Quirino dahil sila ay matagal nang naninirahan sa Metro Manila at hindi maaaring maibilang na kaso ng Quirino Province.
Sa pamamagitan ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU) ay naberipika ang impormasyon na nagkamali sa encoding ang national office dahil sa halip na negatibo ay positibo ang nailagay.
Ayon kay Dr. Villar, tuluy-tuloy ang mahigpit nilang pagpapatupad ng mga panuntunan para mapanatiling ligtas mula sa coronavirus ang lalawigan ng Quirino.
Sa katunayan aniya ay dalawang beses kada linggo sila nagpupulong kasama ang Provincial Inter-Agency Task Force (IATF) upang talakayin ang hinaing at problema ng bawat bayan para agad na matugunan.
Mahigpit din nilang ipinapatupad ang health protocols para sa mga manggagawa sa Quirino mula sa kalapit na lalawigan.










