CAUAYAN CITY – Umabot sa animnaput walo ang pinakamataas na naitalang kaso sa lalawigan sa isang araw kaya na-classify na nasa critical epidemic risk ayon sa Provincial Health Office.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Information Officer Mila Villar, kahapon ay naitala ang tatlumput siyam na bagong kaso at sa kasalukuyan ay nasa 257 ang aktibong kaso sa buong lalawigan.
Batay sa kanilang 2 week growth rate ay umabot sa mahigit dalawang daang bahagdan at mataas din ang average daily attack rate ng lalawigan.
Ayon kay Provincial Information Officer Villar, dati ay nasa anim hanggang pito lamang ang naitatala sa lalawigan ng Quirino ngunit nag umpisa noong nakaraang linggo ay tumaas na ang kaso na umaabot sa mahigit limampu ang naitalang kaso kaya nakakaalarma.
Aniya ang isa sa kanilang index case ay kasapi ng PNP na nahawaan ang labingwalong kasamahan sa kanilang barracks.
Maituturing na ang isang kaso sa lalawigan ay mataas ang hawaan kaya na classify silang nasa critical risk ng DOH.
Nasa high risk ang bayan ng Diffun, Maddela at Cabarroguis.
Dahil sa mataas na kaso ay punuan na ang kanilang mga covid referral hospitals at maging ang kanilang isolation facilities ay puno na rin.
Karamihan naman sa mga pasyenteng nakaadmit ay nasa moderate lamang ang sitwasyon.
Kahit centralized na ang Covid vaccination sa lalawigan ay karamihan pa rin sa mga pasyente ang hindi pa nabakunahan kontra Covid 19.
Patuloy naman ang pamahalaang panlalawigan sa pagbibigay suporta sa mga ospital at Isolation facilities upang mapangalagaan ang mga pasyente at pinapaigting din ang contact tracing upang mapigilan ang pagkalat pa ng virus sa lugar.











