Ibinasura ng Senate Electoral Tribunal ang quo warranto petition laban kay Senator Erwin Tulfo matapos itong matukoy na “insufficient in form” alinsunod sa itinakdang panuntunan ng tribunal.
Sa resolusyon na nilagdaan ni SET chairperson na si Marvic Leonen at iba pang miyembro, binigyang-diin na hindi umabot sa kinakailangang porma ang petisyon kaya’t hindi na ito umusad sa mas malalim na pagtalakay.
Kabilang sa mga lumagda sa desisyon sina Senators Pia Cayetano, Robin Padilla, Kiko Pangilinan, at Bam Aquino.
Ang petisyon, na inihain ni Berteni Cataluña Causing noong Hulyo 2025, ay kumwestyon sa kwalipikasyon ni Tulfo bilang senador dahil sa umano’y isyu sa citizenship, disloyalty sa Republika, political dynasty, at kakulangan sa academic qualification.
Dahil sa naging desisyon, nananatili sa puwesto si Tulfo, habang muling pinagtibay ang naunang naging ruling ng Commission on Elections na nagbasura rin sa mga disqualification case laban sa kanya noong halalan 2025.
Sa panig ni Tulfo, sinabi niyang hindi naging hadlang ang mga isinampang kaso sa kanyang pagtupad sa tungkulin bilang senador at patuloy umano siyang magtatrabaho para sa publiko.





