Ipinagbibigay-alam ng Parole and Probation Office na sakop ng kanilang ahensya ang mga kliyenteng lumalabag sa RA 9175 o Chainsaw Act, partikular ang paggamit ng hindi lisensyadong chainsaw.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Chief Pedro Almeda Jr., sinabi niyang marami ang nahuhuli sa paglabag sa Chainsaw Act at sa Illegal Logging, subalit hindi lahat ay may kaalaman na maaari silang maging probationer dahil sa mababang sintensya.
Madalas umanong nasasangkot sa paglabag dito, pati na sa PD 705 o Illegal Logging, ay mga residente mula sa Forest Region na hindi pa gaanong nakakaalam na ipinagbabawal ang basta-bastang pagpuputol ng mga kahoy.
Nilinaw din ng ahensya na magkahiwalay na kaso ang paglabag sa RA 9175 at PD 705, ngunit pareho itong pasok sa probation.
Posible aniyang may mga taong makukulong dahil sa kakulangan ng sapat na kaalaman tungkol sa mga batas na ito.
Ang sinumang gumagamit o nagbebenta ng hindi lisensyadong chainsaw ay maaaring maharap sa kaso at pagmumultahin ng ₱30,000–₱50,000, o kaya’y makulong nang hindi bababa sa 4 na taon hanggang 6 na taon.
Samantala, batay sa kanilang datos, nakatanggap sila ng 154 referral mula sa korte para imbestigahan, habang 101 ang matagumpay na nakapagtapos ng probation, at apat ang na-deny dahil sa disqualification dulot ng kanilang conviction.











