--Ads--

Tumaas ang kaso ng panloloko online sa Rehiyon Dos habang papalapit ang kapaskuhan, ayon sa Regional Anti-Cybercrime Unit 2 na araw-araw nagsasagawa ng mahigpit na cyber patrolling.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Colonel Efren Fernandez II, Chief ng RACU 2, lalo nilang pinapalakas ang cyber patrolling ngayong holiday season upang bantayan ang tumataas na bilang ng online scams. Araw-araw umano silang nagmomonitor ng ilegal na aktibidad online.

Aniya, karamihan sa kanilang natatanggap ay mga kasong swindling at fraud. Pinakamarami rito ang investment scams at bentahan ng mga produktong sobrang mura ngunit hindi lehitimo.

Marami na ring naisampang kaso gamit ang cyber warrants, at karamihan ay umuusad sa piskalya. Nitong mga nakalipas na araw, isang pekeng dentista ang nahuli sa Lungsod ng Tuguegarao matapos mag-alok ng murang dental services kahit walang lisensiya. Sampung taon umano itong nakapanloko at haharapin ang parusang lumabag sa Republic Act 10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Samantala, nagbigay paalala ang RACU 2 na siguraduhin na lehitimo ang online platform, i-check ang reviews at feedbacks ng ibang buyers, at mag-ingat sa sellers na hindi kapani-paniwala.

Dagdag niiya, patuloy ang kanilang monitoring upang hindi mabiktima ang publiko lalo na ngayong mas aktibo ang online shopping sa panahon ng pasko.