CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng rally kaninang umaga ang daan-daang mamamayan mula iba’t ibang grupo kabilang ang simbahan sa Bayombong, Nueva Vizcaya para tutulan ang extension ng kontrata ng isang malaking minahan sa Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Governor Carlos Padilla na suportado niya ang gagawing rally para tutulan ang pagpapalawig sa kontrata ng minahan.
Nagpasa aniya ang Sangguniang Panlalawigan ng resolusyon para kontrahin ang extension ng Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA) ng OceanaGold Philippines Incorporated (OGPI).
Ayon kay Gov. Padilla, naidulog na nila kay DENR Secretary Roy Cimatu ang isyu para iparating kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang pirmahan ang kontrata ng OGPI.
Iginiit ng gobernador na layunin din ng rally na maisulong ang pangangalaga sa kalikasan sa Nueva Vizcaya dahil malaki ang epekto ng pagmimina hindi lamang sa kalikasan kundi sa mga tao.
Ang rally for ecology ay tinawag na ‘Dap-ayan ti Novo Vizcayano para iti Biag, Danum, Daga ken Kinabaknang’.
Sinabi naman ng campaign coordinator ng Alyansa ng Novo Vizcayano na si Deo Montesclaros na ang rally ay inaasahang dadaluhan ng aabot sa isang libong tao mula sa iba’t ibang simbahan, estudiyante, mga opisyal ng barangay, municipal at provincial public officials, provincial cooperatives, irrigators, mga magsasaka at people’s organizations para ipakita ang pagtutol nila sa extension ng kontrata ng minahan na magpapaso ngayong Hunyo.
Iginiit niya na sapat na ang 25 taon na pagmimina ng Oceanagold sa Nueva Vizcaya kaya hindi na nila ito papayagan na magpatuloy.