Magsasagawa ng Random drug tests ang Land Transportation Office o LTO Region 2 sa mga tsuper ng public transportation bago ang Holy Week.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Manny Baricaua, upang matiyak na ligtas ang mga pasahero at walang maitalang aksidente sa Holy Week ay isasailalim sa random drug test ang mga tsuper ng pampublikong transportasyon sa mga terminal sa rehiyon.
Aniya sa bawat isinasagawang drug test sa mga tsuper ay meron talagang nagpopositibo sa mga ito at hindi rin naman sila agad na masususpinde o marevoke ang kanilang lisensya dahil may confirmatory testing pang isasagawa sa kanila.
Karamihan naman sa mga ito ay mga tsuper ng malalaking truck na bumibyahe sa malalayong lugar.
Hindi na idinetalye pa ni ARD Baricaua ang iba pang impormasyon kaugnay sa random drug test upang hindi mapaghandaan ng mga tsuper.
Samantala may mga itinalaga silang assistance o help desk sa mga strategic areas sa Region 2 para sa Semana Santa.
Upang matiyak na ligtas ang byahe ay may mga isasagawa pa ring apprehension operation o paghuli sa mga motoristang walang lisensya at hindi sumusunod sa mga batas trapiko gaya ng hindi pagsusuot ng helmet at walang kaukulang dokumento ng sasakyan.
Muli naman niyang pinaalalahanan ang mga motorista na magbaon ng pasensya at iwasan ang pakikipag-away sa daan para hindi masangkot sa anumang hindi kanais-nais na pangyayari lalo na ngayong obserbasyon ng Semana Santa.