Patuloy ang pagsasagawa ng random drug testing sa ilang tanggapan sa lungsod bilang bahagi ng kampanya laban sa ilegal na droga at upang patunayan na nananatiling malinis ang pamahalaan at mga empleyado nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLT Gladys Dupitas, Assistant Station Commander ng PS4, sinabi niya na walang sinuman ang exempted sa isinasagawang random drug test bilang pagpapakita ng transparency at integridad sa serbisyo publiko.
Sa tala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), idineklara noong nakaraang taon bilang drug-free workplace ang nasabing tanggapan matapos makapasa sa mga itinakdang pamantayan.
Gayunman, sa pitong barangay na nasasakupan, mayroon pang isang barangay na hindi pa nadedeklarang drug-cleared. Ayon sa pamunuan, may ilan pang rekisitos at dokumentong kailangang kumpletuhin upang makamit ang deklarasyon mula sa mga kinauukulang ahensya.
Tiniyak naman ng mga opisyal na magpapatuloy ang koordinasyon sa barangay at iba pang ahensya upang matiyak ang pagsunod sa mga pamantayan at tuluyang maideklarang drug-cleared ang lahat ng nasasakupan.
Binigyang-diin pa ng pamahalaan na ang ganitong hakbang ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga at pagpapanatili ng kaayusan sa Santiago City.
Kaugnay nito, noong Pebrero 5, 2026 ay nagsagawa rin ang Santiago City Police Office (SCPO) ng mandatory drug test sa lahat ng kapulisan ng himpilan, kabilang ang mga tauhan ng City Mobile Force Company (CMFC).
Isinagawa ang naturang aktibidad sa SCPO headquarters sa Camacam St., Victory Norte, Santiago City bilang bahagi ng patuloy na internal cleansing program ng Philippine National Police.











