Nagsagawa ng random drug testing ang lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Cauayan sa mga kawani nito bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga at upang mapanatili ang integridad at kredibilidad ng serbisyong publiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kina Ginoong Modesto Dumrique, Peace and Order Committee focal person at Ginoong Eugenio Asirit III, Focal Person ng LGU-Cauayan, ibinahagi nila na matagal na nilang ipinatutupad ang nasabing hakbang bago pa man ideklara ang lungsod bilang drug-free City.
Layunin nitong matiyak na ang mga kawani ng lokal na pamahalaan ay nananatiling malinis at hindi sangkot sa paggamit ng ilegal na droga.
Paliwanag pa nila na mahalaga ang ganitong programa upang mapanatili ang disiplina sa hanay ng mga empleyado ng pamahalaan at maipakita sa publiko na seryoso ang pamahalaang lungsod sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Sa kasalukuyan, ikalimang taon nang tuloy-tuloy na isinasagawa ng LGU ng Cauayan ang random drug testing sa mga kawani nito bilang bahagi ng kanilang mga hakbang upang mapalakas ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.











