Answered prayer para kay Harvey Earl Calimag na maging topnotcher sa board exam matapos nitong ma-secure ang pang-apat na ranggo sa katatapos na Philippine Nurse Licensure Examination (PNLE).
Siya ay nagtapos ng Bachelor of Science in Nursing sa Saint Paul University – Tuguegarao bilang Cum Laude.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ibinahagi ni Harvey na nakaramdam siya ng pressure sa pag-take ng board exam dahil bilang top of the class ay marami ang naniniwala na magiging maganda ang performance nito sa exam.
Aminado ito na inasam niyang maging topnotcher kaya naman laking pasasalamat niya nang ipinagkaloob sa kaniya ito ng panginoon.
Kwento ni Harvey, noong una ay pangarap talaga niyang maging Pari subalit nabaling ito sa pagiging nurse kung saan naging inspirasyon niya rito ang kaniyang Tito na isa rin sa mga tumulong sa kaniya upang makapag-aral.
Iniaalay niya ang kaniyang tagumpay sa kaniyang Tatay na isang maintenance worker sa Unibersidad na kaniyang pinasukan na siyang nagsilbi nilang inspirasyon at lakas lalo na noong siya ay nag-aaral pa.
Payo niya sa mga kukuha rin ng board exam na alamin ang kanilang strengths and weaknesses upang matukoy kung anong aspeto ng aralin ang dapat pagtuunan ng pansin. Importante rin ang pamamahinga, tiwala sa sarili, at panalangin.
Dahil sa malapit ang puso ni Harvey sa komunidad ay plano nitong manatili sa Pilipinas para rito magtrabaho. Gusto rin niyang magturo at makapag-inspire ng maraming student nurses sa pamamagitan ng karunungang ipinagkaloob sa kaniyang Panginoon.





