Tiniyak ng Public Order and Safety Division (POSD) na hindi makaaapekto sa kanilang hanay ang inilabas na executiver order ng pamahalaang Lungsod ng Cauayan na nag-aatas mahigpit na pagtitipid sa krudo at enerhiya sa Lungsod.
Layunin ng kautusang ito na makamit ang hindi bababa sa limampung porsyento (50%) na bawas sa fuel consumption sa lahat ng departamento, tanggapan, at mga barangay sa Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na malaking bagay na mayroong ipinagkaloob na apat na e-vehicles sa kanilang hanay na lubos na makatutulong sa kanilang operasyon nang hindi kinakailagang kumonsumo ng petrolyo.
Gayunman, tiniyak pa rin nila na gagamitin lamang nila ito kung kinakailangan lalo na at kinakailangan din ng kuryente upang mapagana ito.
Sa kabilang banda, maaaring mabawasan ang mga tumatakbong sasakyan sa lansangan na magreresulta sa pagluwag ng daloy ng trapiko.
Hinikayat din niya ang publiko na gumamit na lamang ng bisikleta upang makatipid sa paggamit ng produktong petrolyo lalo at mayroon namang mga designated bike lane sa Lungsod ng Cauayan.










