Dream come true para sa isang Isabeleño ang mapabilang sa listahan ng topnotchers sa Real Estate Appraisers Licensure Examination.
Siya ay si Princess Bernadette Roque, rank 7 sa naturang pagsusulit at nagtapos ng Bachelor of Science in Real Estate Management sa Lyceum of Alabang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Princess Bernadette, sinabi niya na pangarap niya talagang maging topnotcher kaya naman napaluha na lamang siya noong makita ang resulta ng pagsusulit at napatunuyang wala imposible sa kagustuhan ng Panginoon.
Aniya isang buwan na lamang niyang napaghandaan ang board exam sapagkat late na nitong nalaman ang schedule ng pagsusulit at malapit na rin ang deadline ng registration.
Dahil dito ay marami siyang backlogs na kailangang habulin sa review center kaya minaximize niya ang lahat ng resources na mayroon siya upang maisaulo ang mga dapat nitong matutunan.
Laking pasasalamat naman niya dahil napag-aralan niya ang karamihan sa mga lumabas na tanong sa exam.
Ibinahagi rin nito na pabaliktad ang ginawa nitong pagsagot sa exam dahil inununa nitong sagutan ang item 100 hanggang item number 1. May mga pagkakataon din aniya na umiidlip siya sa exam para makapagpahinga ang kaniyang utak.
Ayon kay Princess Bernadette, nasa real estate talaga ang kaniyang forte at naniniwala siya na nakatadhana para sa kaniya ang propesyong ito.
Pinasalamatan naman niya ang kaniyang pamilya at kaibigan na naging bahagi ng kaniyang tagumpay.











