
CAUAYAN CITY – Ibinahagi ni F/Insp. Niel Winston Teja Navalta ang mga karanasan at ginawang pagpupunyagi na nagbunga ng pagtatapos niya bilang number 7 sa graduation rites ng ALAB-KALIS CLASS 2022 ng Philippine National Police Academy (PNPA) noong Huwebes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay F/Insp. Navalta, sinabi niya na labis ang kanyang pasasalamat sa kanyang pamilya, mga kaibigan at kasintahan sa suporta sa kanya.
Marami ang mga hindi niya makakalimutang karanasan sa loob ng akademya bilang plebo na unang hakbang sa kanyang pagiging kadete at makapagtapos nang may karangalan.
Naranasan niya ang unti-unting pagbabago mula sa pagiging sibilyan hanggang maging ganap nang opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Naging hamon para kay F/Insp. Navalta ang minsang pagbagsak niya sa physical fitness test na naging sanhi para matengga siya ng isang taon.
Dahil dito ay higit siyang nagpalakas at naghanda para sa muling pagtatangka na makapasok sa PNPA.
Naging malaking bentahe para sa kanya upang magtapos bilang Rank 7 ang pagtatapos niya sa kursong Criminology sa University of Cordilleras at pumasa sa board exam.
Sa katunayan ay naging role model at inspirasyon niya ang kanyang ate na unang nagtapos sa PNPA.
Napili niya ang BFP dahil sa paniniwalang mas mahahasa ang kanyang kasanayan bilang Public Safety Officer.










