Answered prayer para sa Rank 8 sa katatapos na Philippine Nursing Licensure Examination si Kristine Angel Villegas, sa kabila ng napakaraming pagsubok habang nasa Nursing School.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kristine Angel, sinabi niya na hindi naging madali ang kaniyang pinagdaanan at ang pagkabilang niya sa mga topnotcher ay bunga ng kaniyang pagsisikap bilang estudyante.
Aminado siya na na-delay ang kaniyang pag-graduate dahil sa pandemiya, kaya nadagdagan ng isang taon ang kaniyang pag-aaral sa Nursing.
Matapos ang pandemiya, muli siyang sinubok nang siya ay nagkasakit at kinailangang dalhin sa Intensive Care Unit dahil sa komplikasyon. Dahil dito, nagpahinga siya ng ilang buwan bago sumabak sa pagsusulit.
Sa dami ng mga pagsubok mula nang magsimula ang kaniyang review, pinanghawakan niya ang kaniyang pananampalataya sa Panginoon.
Aniya, napamahal siya sa Nursing dahil sila ang nagsisilbing backbone ng health care at sila rin ang madalas na nakakasalamuha ng mga pasyente. Ito ang nagsilbing daan para lalo siyang mag-grow sa kaniyang Nursing Clinical Practice.
Aminado siya na hindi naging madali ang kanilang duty, gayunman masaya siya na nakakapaglingkod at nakakatulong sa mga pasyente.
Lubos ang kaniyang kasiyahan dahil sa suporta ng pamilya, kaibigan, at mga kakilala—lalo na’t siya ang unang graduate sa medical field sa kanilang pamilya bilang only child, kaya doble ang saya na kaniyang nararamdaman.
Dahil sa kaniyang achievements, nakakatanggap na siya ng mga alok mula sa iba’t ibang ospital kung saan siya kumuha ng Nursing Clinical Practice, at maging mula sa mismong review center kung saan siya nag-review bilang instructor.





