--Ads--

Umukit ng kasaysayan para sa lalawigan ng Isabela si Atty. Richmond Bulan Lucas bilang kauna-unahang Isabeleño na topnotcher sa Bar Examination.

Batay sa resulta na inilabas ng Supreme Court nitong Miyerkules, Enero 7, na-secure ni Lucas ang rank 9 sa 2025 Bar Exam na may average score na 90.45% na isang malaking tagumpay hindi lamang para sa kaniya kundi pati na rin sa buong lalawigan ng Isabela.

Siya ay tubong Diamantina, Cabatuan, Isabela at nagtapos ng Juris Doctor sa University of La Salette Santiago Inc.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Richmond Lucas, naniniwala siya na “calling” niya ang pag-aabogado dahil lagi umano siyang nabibigo sa tuwing sinusubukan niyang ilayo ang kaniyang sarili sa pag-aaral ng law.

--Ads--

Umabot kasi ng mahigit isang dekada bago niya tuluyang makumpleto ang Juris Doctor Program.

Una siyang pumasok ng law school taong 2012 matapos siyang mahikayat ng kaniyang kaibigan subalit hindi naging tuloy-tuloy ang kaniyang pag-aaral dahil sa ilang mga kadahilanan, kabilang na rito ang pagkasawi ng kaniyang Ina na isa sa mga pinanghugutan niya ng lakas sa pag-aaral.

Gayunpaman, nagawa pa rin niyang bumalik sa law school at matagumpay na nagtapos ng Juris Doctor noong 2024 matapos ma-inspire sa tagumpay ng kaniyang mga kaibigan na pawang mga Bar passers.

Hindi kaagad siya nag-take ng Bar matapos ang graduation dahil aminado siya na hindi pa siya handa kaya naman talagang pinaglaanan niya ng oras ang pagre-review upang maging maganda ang resulta ng pagsusulit.

Hindi lubos akalain ni Lucas na isa siya sa mga nanguna sa Bar exam sapagkat ang nais niya lamang ay makapasa kaya naman labis ang kaniyang tuwa at pasasalamat dahil nagbunga ang ilang taon niyang pagsisikap.

Iniaalay naman niya ang kaniyang tagumpay sa kaniyang pamilya, at sa kaniyang paaralan na siyang sumuporta at humubog sa kaniyang kakayahan upang maabot ang isa sa pinakamalaking milestone ng kaniyang buhay.

Pinayuhan naman niya ang mga nagnanais ding maging Abogado na huwag basta-bastang bumitiw kahit gaano man kahirap ang proseso, kailangan lamang magpatuloy at samahan ito ng sipag, dasal, at tiwala sa sarili upang maging ganap na Abogado sa hinaharap.