--Ads--

Natupad ang pangarap ng isang License Professional Teacher na maging Topnotcher matapos masungkit ang rank 9 sa katatapos na Licensure  Examination for Teachers (LET).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joval Paiste, rank 9 sa katatapos na LET, sinabi niya na target niya talagang mapabilang sa listahan ng mga topnotchers kaya naman gabi-gabi umano siyang nagdasal na maisakatuparan ito.

Nagpapasalamat naman siya dahil sinagot ng Panginoon ang kaniyang panalangin lalo na at labis niyang tinutukan ang paghahanda para sa pagsusulit kung saan sa isang araw ay nasa 10-12 oras ang ginugugol nito sa pagre-review.

Nakatulong din aniya ang paraan niya ng pag-rereview kung saan binabasa niya ng tatlong beses ang kaniyang reviewer tsaka isinusulat niya sa isang bond paper lahat ng naalala nito mula sa kaniyang binasa hanggang sa maisaulo niya lahat ng dapat niyang pag-aralan.

--Ads--

Bata pa lamang umano siya ay passion na niya ang pagtuturo kaya naman  kumuha siya ng kursong Bachelor of Secondary Education – Major in Social Studies at nagtapos bilang Magna Cum Laude sa  Isabela State University – Echague Campus.

Iniaalay naman niya ang kaniyang tagumpay ang kaniyang mga magulang at mga kaibigan na walang sawang sumuporta sa kaniya maging ang kaniyang mga naging Guro na humubog sa kaniyang kakayahan.