--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpadala na ng response team ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa Cataingan, Masbate na epicenter ng 6.6 magnitude na lindol.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Alexis Mabini ng Masbate City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na bagamat 65 kilometers ang layo ng Masbate City sa bayan ng Cataingan   ay naramdaman din nila ang malakas na pagyanig.

Malaki ang pinsalang idinulot ng lindol sa Cataingan at mga kalapit bayan ng Pio V. Corpuz, Palanas at Esperanza.

Inihayag niya na sa ground zero sa bayan ng Cataingan ay maraming bahay at mga gusali ng pamahalaan ang nasira sa malakas na lindol.

--Ads--

Ang PDRRMC ng Masbate ay agad na nagpadala ng response team na binubuo ng mga miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP) at Philippine Red Cross (PRC) sa mga bayan na labis na naapektuhan ng lindol.

Ang Response team ng PDRRMC ay nagsasagawa na ng rapid damage and need assessment sa mga apektadong lugar.

May mga residente na nagkaroon ng trauma ang agad na binigyan ng psycho-social intervention ng Philippine Red Cross.

Samantala, sinabi ni Ginoong Mabini na wala pang katiyakan kung kailan maibabalik ang daloy ng koryente sa bayan ng Cataingan.

Maraming poste ng kuryente ng Masbate Electric Cooperative o(MASELCO) ang natumba dahil sa malakas na lindol.

Gumagawa na ng paraan ang MASELCO para maibalik ang tustos ng kuryente sa mga bayan na labis na naapektuhan ng kalamidad.

Ang pahayag ni Ginoong Alexis Mabini.