
CAUAYAN CITY – Blangko pa rin ang pamilya ng lalaking dinukot umano sa barangay District 1 kung ano ang rason sa pagdukot sa kanilang kaanak.
Una nang sinabi ni alyas angel na kasama ng biktima na si Roy Cullanan, tatlumpu’t dalawang taong gulang, pintor at residente ng Barangay San Fermin na nakasakay sila sa motorsiklo ng biktima kasama ang isa pang menor edad nang bigla na lamang silang hinarang g grupo ng kalalakihan na nakasakay sa kulay asul na pick up, nmax na motorsiklo at dalawa pang motorsiklo na walang plate number.
Nagpakilala miyembro ng NBI ang mga lalaki at bigla na lamang pinosasan at isinakay sa likod ng pick up si Cullanan at mabilis na umalis.
Sa pagdulog ng pamilya ng biktima sa Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Richelle Cullanan, kapatid ng biktima na may nagchachat sa kanila at humihingi ng ransom na nagkakahalaga ng isang milyong piso.
Sinabi rin na hindi na umano ibabalik ang kanilang kapatid.
Aniya, isang dummy account ang nagchachat sa kanila kaya sinubukan nilang itrace pero google account ng kanyang kapatid ang lumabas.
Ayon kay Richelle, anim na buwan pa lamang mula ng makalaya ang kanyang kapatid mula sa pagkakakulong ng sampong taon.
Mula ng makalaya ay hindi ito lumalabas sa kanilang bahay pero may kaibigan itong laging bumibisita sa kanya na kanila na ring pinaghihinalaan sa pagkawala ni Roy.
Ayon naman sa ina ng biktima na si Imerlinda Cullanan, hindi marunong magbasa ang kanyang anak at video call lamang ang alam sa cellphone.
Gusto nila itong maimbestigahan ng PNP at nanawagan siya sa sino mang nakakaalam kung nasaan ang kanyang anak na ipagbigay alam lamang sa kanila.










