Iminungkahi ng National Public Transport Coalition NPTC na isailalim sa re-tooling at seminar ang mga bus driver sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan ng mga commuter.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NPTC Convenor Ariel Lim, sinabi niya na isa sa napakamalaking problema ngayon ng DOTr, LTO at LTFRB ang sunod sunod na vehicular accident na naitatala sa lansangan.
Isa sa nakikitang paraan dito ng NPTC ay ang mahigpit na implementasyon ng batas trapiko at wastong training para sa mga driver.
Kung matatandaan na nagimbal ang publiko sa isa sa mga madugong aksidente na naitala ngayong taon kung saan 10 katao ang nasawi kabilang ang 4 na bata at higit 30 ang nasugatan.Ang naturang aksidente ay kinasangkutan ang Solid North Bus Transit Inc.
Batay sa ulat ng pulisya nakatulog ang driver habang nagmamaneho na nagresulta para araruhin nito ang 4 na sasakyan na nakapila sa SCTEx toll plaza.
Ang insidenteng ito ay isang patunay sa kakulangan o butas sa mga regulasyon partikular ang pagkakaroon ng reliever driver ng mga bus na bumibiyahe ng malayuan.
Mungkahi ngayon ng NTCP ang re-tooling para sa mga bus driver ng bawat kumpaniya para muling sumailalim sa seminar.
Gaya ng paulit ulit na paalala ng NPTC ang aksidente sa lansangan na kinasasangkutan ng mga bus ay maiiwasan kung mayroon reliever o ka-salitan ang driver upang magkaroon ng sapat na pahinga.
Dapat na ring mag higpit ang DOTr sa issuance ng lisensya lalo at maraming tsuper ang nakakakuha nito kahit na hindi naman talaga sumailalim sa tamang pagsasanay.
Sa katunayan ay nag issue na rin ang DOTr ng show cause order sa kumpaniya ng bus upang magpaliwanag sa insidente.











