CAUAYAN CITY – Naitala ang record high na dalawamput tatlong kaso ng Covid 19 case sa nasabing bayan kahapon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Manuel Faustino Dy sinabi niya na nagsimula ang maraming kaso sa isang buntis na isinailalim sa RT PCR Test.
Aniya requirement ng mga ospital sa mga buntis na bago manganak ay isailalim muna sila sa swab test o antigen test.
Nagpatest naman umano ito at nalaman na siya ay positibo sa virus.
Ayon kay Mayor Dy ito ang kauna-unahang pinakamataas na naitalang kaso ng virus sa kanilang bayan.
Halos isandaang tao ang isinailalim sa testing at nasa dalawamput tatlo ang nagpositibo na karamihan ay mga kamag anak ng buntis na kanilang nakasalamuha dahil sa iisang compound lamang sila nananatili.
Ayon kay Mayor Dy halu-halo na ang mga nagpositibo na dalawamput tatlo dahil magkakaibang lugar o brgy na ang kanilang pinanggalingan.
Karamihan sa mga nagpositibo ay mga asymptomatic o hindi nagpapakita ng sintomas ng virus.
Hindi naman kailangang magpatupad ng lockdown ayon sa DOH kaya mag iistrikto muna ng mga panuntunan ang lokal na pamahalaan at magmomonitor din sila dahil may mga hinihintay pang resulta ng test.
Umaasa naman si Mayor Dy na negatibo ang resulta ng mga isinailalim sa testing.