Wala pang person of interest ang Regional Explosive Ordnance and Canine Unit 2 kaugnay sa magkakasunod na serye ng bomb threats kahapon sa tatlong paaralan sa Lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Elias Mangoma, tagapagsalita ng Regional Explosive Ordnance and Canine Unit 2 (RECU 2), sinabi niya na tatlong magkakasunod na insidente ng bomb threat ang naitala ng RECU 2 sa iba’t ibang paaralan sa Isabela.
Kabilang dito ang Our Lady of the Pillar College–Cauayan, Cabatuan National High School, at Isabela Colleges Inc.
Aniya, napakageneral ng mga pagbabanta na natanggap ng naturang mga paaralan na ipinadala sa pamamagitan ng private message.
Batay sa RECU, ikinukunsidera nila itong bomb joke na gawa-gawa lamang ng mga indibidwal na may malilikot na isip.
Sa ngayon, hindi pa matukoy o makumpirma ng RECU kung posibleng estudyante ang sangkot sa naturang mga bomb threat.
Wala pa ring nakukumpirmang pagkakakilanlan sa mga nagpadala ng mensahe dahil gumamit ang mga ito ng dummy account. Dahil dito, muling hihingi ng tulong ang mga Police Station sa Regional Anti-Cyber Crime Unit 2.
Dagdag pa niya, hindi rin nila ito ikinukunsidera bilang act of terrorism, subalit sineseryoso nila ang bawat ulat at agad itong tinutugunan.
Giit niya, bagama’t bomb joke o threat lamang ito, may batas pa ring nakasasakop at nagpaparusa dito. Kamakailan lamang ay isinulong ni Senator Raffy Tulfo na itaas hanggang limang milyong piso ang multa sa mga sangkot sa ganitong gawain.
Sa kasalukuyan, aktibo ang RECU sa pagsasagawa ng symposium sa mga paaralan sa ilalim ng “PROJECT ABKD (ABAKADA)” o Awareness of Bombs that Kill Lives and Destroy Properties, na layuning makapagbigay ng tamang impormasyon sa mga kabataan hinggil sa negatibong epekto at parusa sa mga nagsasagawa ng bomb threats at bomb jokes.











