Itinaas muli sa red alert status ang paghahanda ng Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (CVRDRRMC) bunsod ng banta ng Bagyong “Emong.”
Sa bisa ng Memorandum Order No. 80, Series of 2025 na nilagdaan ni Regional Director Leon Rafael ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2, na siya ring Chairperson ng CVRDRRMC, inatasan ang lahat ng Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (LDRRMOs) sa mga lalawigan ng Cagayan, Batanes, at Nueva Vizcaya na itaas din ang red alert status.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Mia Carbonel ng OCD Region 2, sinabi niyang tinalakay sa Response Cluster Meeting na pinangunahan ng DSWD Region 2, ang kasalukuyang sitwasyon, mga hakbang sa paghahanda, at ang koordinasyon ng mga resources upang matiyak ang maagap na pagtugon sa mga posibleng maaapektuhang komunidad.
Kabilang sa mga pinagtuunan ng pansin ay ang estratehiya sa agarang pamamahagi ng tulong, mga posibleng evacuation procedures, at mga pangmatagalang plano para sa recovery at pagpapalakas ng katatagan ng mga apektadong lugar.
Samantala, nananatili pa rin sa blue alert status ang mga lalawigan ng Quirino at Isabela, subalit maaari itong itaas sa red alert depende sa magiging epekto ng sama ng panahon.
Batay sa pinakahuling monitoring update ng DSWD Region 2, nasa 6,994 pamilya o 24,099 indibidwal ang naapektuhan sa rehiyon dahil sa pinagsamang epekto ng Southwest Monsoon at mga tropical cyclone na sina Crising, Dante, at Emong.
Sa nasabing bilang, 1,030 pamilya o 3,132 indibidwal ay mula sa Batanes; 5,912 pamilya o 20,886 indibidwal sa Cagayan; at 52 pamilya o 81 indibidwal naman ang mula sa Nueva Vizcaya.
Nakapamahagi na rin ang DSWD ng food at non-food items (FNFIs) na may kabuuang halagang ₱1,593,236 sa mga apektadong lugar.
Payo ng OCD sa publiko na manatiling alerto, sundin ang mga babala at abiso ng lokal na pamahalaan, at iwasan ang mga mapanganib na lugar gaya ng ilog, tabing-dagat, at mga landslide-prone areas.
Pinapayuhan ding maghanda ng emergency kits at makinig sa mga opisyal na update mula sa radyo, telebisyon, at social media ng mga ahensya ng gobyerno.











