CAUAYAN CITY – Nakakaranas ngayon ng mabilisang pagnipis ng tustos ng dugo ang Philippine Red Cross o PRC Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PRC Isabela Officer In-Charge Mark Oliver Alimuc, sinabi niya na sa ngayon ay mayroon silang 47 units ng full blood, 13 mula rito ang Type A, 16 ang Type B, 16 ang Type O at dalawa naman ang Type AB.
Abala anya ang PRC Isabela sa pagsasagawa ng bloodletting activity sa Lalawigan ng Isabela katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, NGO at asosasyon na ikakasa sa buwan ng Marso.
Inaanyayahan naman ng PRC Isabela ang mga nais magdonate ng dugo lalo na ngayong lean season at marami pa rin ang nangangailangan ng dugo partikular ang dengue patients, dialysis patients, mga naaaksidente, at nanganganak.
Nilinaw naman ng PRC Isabela na tanging ang Nueva Vizcaya Chapter ang nagproproseso ng dugo para sa mga dengue patient para makuha ang plaletes na may life span na limang araw lamang.