CAUAYAN CITY – Isinusulong ng mga Overseas Filipino Workers na caretaker sa Taiwan ang isang referendum dahil sa umano’y mababang sahod at kawalan ng day off.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jasmin Ruas, leader ng domestic caretaker union na nasa South Taiwan, sinabi niya na ang nasabing referendum ay naglalayong isulong ang karapatan ng mga homebased caretaker na maisali sa Labor Standard Law.
Aniya, hindi protektado ng batas ang mga homebased caretaker kaya marami umano ang naabuso ng kanilang mga amo dahil na rin sa kawalan ng kaalaman sa kanilang mga karapatan.
Layunin din nito na maisulong ang pagkakaroon nila ng day off na tulad ng mga OFW’s na nagtatrabaho bilang factory worker at caregiver sa bansa.
Ayon pa sa kuwento ni Ruas, karamihan sa kanilang mga caretaker ang walang day off at kung mayroon man umano ay nasa walong oras lamang ito.




