--Ads--

Humigit-kumulang 150 na mga bata na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo ang nabahagian ng mga regalo mula sa hanay ng 51st Engineer Brigade sa Brgy. Gumbauan, Echague, Isabela ngayong araw, December 22, 2025.

Ayon kay Capt. Robell Siruno, Civil Military Operation Officer ng 51st Engineer Brigade, sa halip na magsagawa ng sariling Christmas celebration ang kanilang hanay, nagpasya ang kanilang commander na ilaan na lamang ang pondo at oras sa pamamahagi ng munting regalo sa mga batang labis na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad.

Ibinahagi rin ni Capt. Siruno na ang mga ipinamahaging regalo ay nagmula mismo sa mga kasundaluhan ng 51st Engineer Brigade bilang bahagi ng kanilang malasakit at pagtulong sa komunidad, lalo na sa panahon ng kapaskuhan.

Bukod sa mga laruan at regalo para sa mga bata, namahagi rin sila ng humigit-kumulang 30 food packs at mga damit para sa mga indibidwal at pamilyang lubos na nasalanta ng mga nagdaang bagyo.

--Ads--

Nagpasalamat naman ang mga residente ng Brgy. Gumbauan sa tulong na ibinigay ng 51st Engineer Brigade, na ayon sa kanila ay malaking ginhawa at pag-asa, lalo na sa gitna ng patuloy na pagbangon mula sa pinsalang dulot ng mga kalamidad.