CAUAYAN CITY – Muling umaakyat sa High Risk Classification ang Region 2 matapos na hindi pa rin bumababa ang mga naitatalang kaso ng Covid 19 sa mga nagdaang araw.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay idineklarang moderate risk ang rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Dr. Rio Magpantay ng DOH Region 2, sinabi niya na kailangang mas tutukan ang Tuguegarao City na patuloy na marami ang naitatalang kaso ng mga nagpositibo sa Covid 19 maging ang bayan ng Baggao na ngayon ay dumarami na rin ang kaso.
Nilinaw naman ni Dr. Magpantay na hindi buong lalawigan ang tumataas ang kaso kundi may mga lugar lamang na nagcocontribute ng maraming kaso.
Aniya hindi man gaanong mataas ang kaso sa lalawigan ng Isabela ay kailangan pa ring bantayan ang dalawang lunsod ng Ilagan at Cauayan.
Dahil marami ang naitatala sa Tuguegarao City ay marami na ring pasyenteng naka-confine ngayon sa Cagayan Valley Medical Center o CVMC.
Tinitingnan ngayon ng Kagawaran ang mga community isolation units ng mga LGUs lalo na sa lunsod ng Tuguegarao dahil sa kakulangan nito at ang ibang nagpopositibo ay sumasailalim na lamang sa home quarantine.
Humihiling ngayon ang DOH Region 2 sa ibat ibang ahensya ng pamahalaan na tumulong na sa pagpapatayo ng mga karagdagang isolation units at naghahanap na rin sila ng mga health workers na tatao sa mga nasabing isolation units.
Ayon kay Dr. Magpantay delikado ang home quarantine dahil posibleng mahawa ang mga kasama sa bahay maliban na lamang kung lahat sila ay positibo sa virus.
Hinihikayat naman ng DOH Region 2 ang mga LGUs na magbantay ng mabuti sa kanilang mga nasasakupan at ipatupad ang mga minimum health protocols upang mapigilan ang pagkalat ng virus.