CAUAYAN CITY – Kabilang na ang region 2 sa Red Epidemic Risk ayon Department of Health (DOH) region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Rio Magpantay ng DOH region 2, sinabi niya na kabilang na ngayon ang mga Lunsod ng Ilagan, Cauayan at lalawigan ng Nueva Vizcaya sa Critical Epidemic Risk Status habang High Risk ang nalalabing bahagi ng Isabela, Cagayan, Quirino, Tuguegarao City at Santiago City.
Ayon kay Dr. Magpantay, ang naturang classification ay ibinatay sa average attack rate bawat araw, 2 week growth rate at utilization rate ng mga health facility ng rehiyon.
Ayon kay Dr. Magpantay, nakaapekto sa mataas na classification ng rehiyon ang pagkakaroon ng mataas na kaso ng COVID-19 sa Lunsod ng Santiago, Ilagan at Cauayan.
Kasabay ng paglobo ng kaso ay napakahalaga ang pagsunod sa minimum public health standards bilang pag-iwas sa sakit kasabay ng detection at contact tracing.
Iginiit ni Dr. Magpantay na bagamat maganda ang aksiyon ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng localized lockdown ngunit may mga pagkakataon na hindi agad na ilalagay sa isolation ang mga nagpopositibo na nanatili lamang sa kanilang bahay.
Dahil dito ay mas mainam ang pagsasagawa ng mabilisang testing upang agad na matukoy ang mga nagpositibo at mga nakasalamuha nila upang mailagay sa tamang isolation facility.
Dahil sa pagkakaroon na ng COVID-19 variants sa rehiyon pangunahin sa Isabela ay pinapaigting ng DOH region 2 ang bio-surveillance at mas maraming specimen samples ang ipinapadala sa Philippine Genome Center para maisalang sa genom sequencing.
Sa kabila naman ng pagkakaroon ng UK at South African variant sa region 2 ay wala pang natatanggap na ulat ang Kagawaran may kaugnayan sa pagpopositibo sa variant ng mga nakasalamuha ng mga naunang kaso sa rehiyon.
Ikinabahala rin ni Dr. Magpantay ang pagkakaroon ng backlog at breakdown ng mga makinang ginagamit sa mga molecular laboratory dahil sa naranasang surge sa ikalawang rehiyon.
Aniya, inaabot na ng limang araw o higit pa ang pagpapalabas ng resulta ng molecular laboratory kaya masusing pinag-aaralan ang rerouting ng mga specimen sa iba pang molecular laboratory sa rehiyon.
Malaking hamon ngayon sa kagawaran ang contact tracing kaya napag-usapan sa Regional Inter-Agency Task force (RIATF) ang pagtatalaga ng mas marami pang contact tracers.
Maliban dito ay pinagtutuunan ng pansin ang home care program o mga dapat gawin habang nasa loob ng bahay dahil punuan na ang mga ospital.
Nilinaw niya na bagamat isinusulong nila ang home care program subalit ilan lamang ang pinahihintulutang sumailalim sa home quarantine.
Pinabulaanan ni Dr. Mapagpantay ang umano’y pagiging failure ng kagawaran sa pagtugon sa COVID-19.
Ayon kay Dr. Magpantay, kung sinasabing nabigo sila sa kanilang tungkulin na mapababa ang kaso ng COVID-19 ay dapat mapagtuunan ng pansin ang mga naging pagkukulang o kung saan nagkaroon ng pagkukulang dahil ang pagtugon sa COVID-19 ay hindi lamang tungkulin ng DOH.











