--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy na nakakapagtala ng sumbong kaugnay sa text scam  at emergency scam ang Regional Anti-Cyber Crime Unit 2 (RACCU).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Rovelita Aglipay, Officer In Charge ng RACCU 2, sinabi niya na patuloy pa rin silang nakakapagtala ng mga biktima ng text scam kung saan ginagamit ng mga kawatan ang cellphones at social media o makabagong teknolohiya upang makapangbiktima at makapanloko.

Ilan sa natatanggap nilang reklamo ay ang emergency scam kung saan may mga tumatawag at nanghihingi ng malaking halaga ng pera dahil umano sa pangangailangan ng kaanak habang ang ilan ay nag-aalok ng trabaho kapalit ng processing fee.

Karamihang biktima ay ang mga nangangailangan at nais makapasok sa trabaho at nakakapagpadala sila ng pera kahit hindi pa nakikita o hindi kilala ang katransaksyon.

--Ads--

May ilan ring ginagamit ang bank accounts o account for sale upang manloko at ang mga biktima ay hiningan ng bank account record na gagamitin upang makakulimbat ng pera mula sa biktima.

Sa pinakahuling ulat ng RACCU2 naitala nila ang isang biktima ng emergency text scam kung saan ang scammer ay humihingi ng isang daang libong piso sa kadahilanang naaksidente umano ang magulang ng kanilang target.

Nakapagpadala ng P50,000 ang biktima bago niya napagtanto na siya ay na-scam.

May isa ring Overseas Filipino Worker na nabiktima ng pekeng agency at natangayan ng P200,000.

Paalala ng mga otoridad na huwag basta magtiwala at huwag maki-pagtransaksiyon sa mga hindi kilalang tao dahil hindi lamang mga ordinaryong mamamayan ang nabibiktima ng scam kundi maging mga professional.

Samantala, maliban sa scam o panloloko online ay nakakapagtala ng ilang insidente at reklamo ng cyber libel laban sa mga taong nag-popost ng mga malisyosong paksa laban sa isang tao na walang katotohanan.

Nagbabala ang RACCU2 na sa ilalim ng Republic Act 10175 ay pinaparusahan na ang mga indibidwal na mahilig makipagchismisan at magpakalat ng mga maling impormasyon laban sa isang indibivual sa pamamagitan ng mga post sa social media.