Tiniyak ng mga eskwelahan sa lungsod ang kaligtasan, seguridad at kaginhawaan ng mga delegado mula sa iba’t ibang division sa Rehiyon para sa ginaganap na Regional Science and Technology Fair 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay John Mina, Secondary School Principal IV, bago pa man sumapit ang araw ng fair ay inihanda na nila ang mga silid-aralan na tutuluyan ng mga delegado upang matiyak na magiging komportable ang kanilang pananatili. Bukod dito, naglaan din ang paaralan ng libreng inuming tubig, kape at biscuits para sa lahat ng kalahok.
Dagdag ni Mina, maging ang beddings o higaan ng mga delegado ay ibinigay na rin ng paaralan upang masiguro ang kanilang maayos na pamamahinga sa buong panahon ng kompetisyon.
Kasabay nito, sinigurado rin ang seguridad sa lugar sa pamamagitan ng mga personnel mula sa PNP na nakabantay lalo na tuwing gabi, habang dalawang security guard naman ang nakaantabay sa loob at paligid ng paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok.
Patuloy na nagsasagawa ng koordinasyon ang school management upang matiyak ang maayos, ligtas, at organisadong pagdaraos ng nasabing regional fair.
Samantala, nakatutok ngayon ang hanay ng Public Order and Safety Division sa lagay ng trapiko sa lungsod ng Cauayan kasunod ng pagsisimula sa mga kompetisyon ng Regional Science and Technological Fair ngayong araw
Ayon kay POSD Chief Pilarito Mallillin, buhat kahapon at hanggang ngayong umaga ay wala pa naman naitatala na mabigat na daloy ng trapiko na maaring makaapekto sa mga kalahok
Aniya, hindi rin kasi pumasok ang ilang mga estudyante lalo na sa mga malalaking paaralan sa Poblacion kaya hindi marami ang mga sasakyan na bumabaybay sa mga lansangan
Giit ng POSD,isa kasi ang bulto ng mga estudyante na pumapasok sa paaralan ang nagiging dahilan ng traffic lalo na kapag rush hour
Ngunit kahit ganito aniya ang sitwasyon ay nakatutok ang kanilang pwersa sa mga lansangan upang sa ganoon ay agad maaksiyunan sakaling magkaroon ng problema
Pahayag pa ng POSD, handa rin sila na magkaroon ng reroutign scheme sakaling magkaroon ng pagbagal sa daloy ng trapiko
Ngunit aniya, mukhang malabo na mangyari ito dahil ang ibang mga estudyante ay hindi pumasok ng paaralan dahil sa ginamit ang mga silid aralan upang matuluyan ng mga deligado











