--Ads--

Nagkaroon ng kasunduan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 at ang Pamahalaang Lungsod ng Cauayan para sa pahiram ng lupa sa loob ng 30 taon, para sa pagtatayo ng isang proposed regional warehouse sa Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan NG DSWD Region 2, sinabi niya na layunin ng proyekto ang pagkakaroon ng sapat na imbakan ng family food packs at non-food items, lalo na at ang Isabela ay isa sa mga lalawigang madalas maapektuhan ng mga bagyo at iba pang kalamidad.

Ayon pa kay Regional Director Alan, isasagawa ang groundbreaking ceremony sa Marso 30. Aniya, ang lupang pagkakatayuan ng warehouse ay may lawak na 1,170 square meters at matatagpuan malapit sa City Terminal ng Barangay Cabaruan, Cauayan City.

Dagdag pa niya, bukod sa Isabela ay mayroon ding inilaang donasyon ng lupa sa Iguig, Cagayan para sa kaparehong proyekto, subalit naghahanap pa ng pondo para sa konstruksyon nito. Samantala, sa Cauayan City ay may umiiral nang koordinasyon ang DSWD sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad ng proyekto.

--Ads--

Sa kasalukuyan, nagrerenta lamang ang DSWD Region 2 ng mga warehouse sa iba’t ibang lugar sa rehiyon. Ayon sa ahensya, mas makabubuti ang pagkakaroon ng sariling pasilidad upang makatipid sa gastusin at mailaan na lamang ang pondo sa mas mahahalagang programang direktang nakikinabang ang publiko.

Sa ngayon, wala pa umanong tiyak na petsa kung kailan matatapos ang konstruksyon ng nasabing regional warehouse.