CAUAYAN CITY- Dapat umanong higpitan ang regulasyon ng Land Transportation Office sa pag-isyu ng Driver’s License upang matiyak na dumaan sa tamang proseso ang mga kliyente.
Ito ay matapos hilingin ni Isabela 6th District Representative Inno Dy sa Department of Transportation na imbestigahan ang sampung driving schools na accredited ng LTO na pagmamay-ari lamang ng iisang tao.
Kinuwestiyon ng mambabatas si LTO Assistant Secretary Vigor Mendoza II kung paanong nakalusot at nabigyan ng accreditation ang inirereklamong Driving School gayong ipinagbabawal umano ito sa DOTr.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cong. Inno Dy, sinabi niya na dapat ayusin ang mismong problema sa LTO na basta na lamang nagbibigay ng accreditation nang hindi man lang umano sumusunod sa tamang proseso.
Dapat aniyang nagsasagawa ng inspection ang LTO sa mga Driving Schools at Medical Clinic upang masiguro na nakasusunod sila sa panuntunan.
Nakakalungkot lang aniya dahil kung minsan ay nagkukuntiyabahan ang mga mga ito kaya hindi nasusunod ang tamang regulasyon.
Pinag-aaralan naman ngayon sa kongreso kung ibaba nila ang halaga ng presyo sa Theoretical Driving o magbigay ng subsidy para maibsan ang napakamahal na presyo nito.
Samantala, plano naman nilang bawiin ang accreditation ng mga inirereklamong driving school sa lalawigan ng Isabela habang gumugulong ang imbestigasyon.