CAUAYAN CITY- Inihayag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Naguilian na isolated case lamang ang reklamo ng isang taxpayer na hindi umano sila inaasikaso ng mga personnel ng BIR.
Ito ay matapos dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang isang taxpayer na nakaranas umano ng hindi magandang serbisyo sa BIR kung saan ipinunto nito ang kawalan ng personnel na mag-aasiste sa mga kliyente sa E-Lounge kaya maraming mga katulad niyang taxpayers ang natetengga sa lugar.
Ang e-lounge ay nakadisenyo para ma-automate lahat ng mga files na kailangan sa transaksyon ng mga taxpayers.
Ilang beses na umano silang pabalik-balik sa naturang tanggapan ngunit hindi umano sila naaasikaso kahit wala kumpleto sila sa requirements.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Robertson Gazzingan, Officer-in-charge at Revenue District Officer ng BIR Naguilian, sinabi niya na ito ang unang pagkakataon na may natanggap silang reklamo hinggil sa kalidad ng kanilang serbisyo.
Dahil sa automated na ang lahat ng transaksyon sa BIR ay kinakailangang naka-attached electronically ang requirements ng mga taxpayers kaya sila naglagay ng e-lounge para may magamit ang mga ito.
Gayunpaman ay may regulasyon umano silang sinusunod na limitado lamang sa tatlong transaksyon ang mga taxpayers na gumagamit ng e-lounge.
Mayroon umanong nag-aassist sa kanila na mga kawani ng BIR para mas mapabilis ang kanilang proseso lalo na sa mga first timer.
Pwede naman aniya itong gawin online para hindi na kailangang gumamit ng e-lounge.
Nakalagay aniya sa kanilang website ang mga kinakailangang I-fill out para sa transaksyon maging ang mga kinakailangang requirements.
Kung sakali mang naka-kumpleto na nila ang mga kinakilangang requirements online ay kinakailangan pa nilang gumawa ng kanilang account para sa kanilang confirmation slip na matatanggap nila via email para makuha ang kanilang electronic certificate authorizing registration.
Aminado naman siya na kinukulang sila ng empleyado ngunit hindi aniya ganoon kadaling mag-hire dahil may prosesong mga kailangang sundin at naka-depende ito sa availability ng items.
Samantala, magkakaroon naman ng Regional Tax Campaign Kick-off sa Pebrero 26 na gaganapin sa The Capital Arena sa Lungsod ng Ilagan.
Layunin ng naturang aktibidad na paalalahanan ang mga taxpayers sa kanilang obligasyon na bayaran ang kanilang income tax return.
Welcome lahat aniya lahat ng mga nagnanais na dumalo at makiisa sa taunang Regional Tax Campaign Kick-off.





