Dumami ang natatanggap na reklamo ng Public Order and Safety Division (POSD) kaugnay sa overcharge na singil sa pamasahe sa lungsod ng Cauayan simula nang magkaroon ng oil price hike.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na simula noong Byernes, ika-6 ng Marso ay may mga natatanggap nang reklamo na hindi bababa sa 5 katao kada araw.
Sa halip naman aniya na magalit ang ahensya sa mga tricycle drivers ay nauunawaan naman aniya ng POSD ang magkaparehong panig lalo pa at hindi rin biro ang epekto ng pagtaas ng produktong petrolyo.
Sa katunayan, hindi lamang aniya mga tricycle driver ang inirereklamo, maging ang iba pang mga transport vehicles na namamasada sa lungsod.
Dagdag pa ni POSD Chief, tuwing mayroong reklamo sa kanilang ahensya ay masinsinan nilang pinag-uusap ang nagrereklamo at inirereklamo upang maunawaan naman ang panig ng bawat isa at kung ano mang mapagkasunduan ay siyang masusunod.
Binibigyang pag-asa na lamang umano ng POSD ang mga tricycle drivers sa lungsod dahil mayroon namang inaayos na ordinansa ang mga konsehal kaugnay sa pagpapatupad ng panibagong fare matrix.
Samantala, nakiusap naman ang POSD sa lahat ng mga pasahero at tricycle drivers na subukan lamang unawain ang isa’t-isa upang hindi na humantong pa sa reklamo.











