CAUAYAN CITY – Umabot sa walong reklamo laban sa online pautang ang natanggap ng Regional Anti-Cybercrime Unit 2 noong nakaraang Linggo.
Ito ay pawang mga electronic complaint habang iba pa ang mga nagreklamo sa kanilang tanggapan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Lt. Col. Rovelita Aglipay, OIC ng Regional Anti-Cybercrime Unit 2 na ang nangunguna sa reklamong kanilang natatanggap ay ang online pautang.
Mayroon ding nagtutungo sa kanilang tanggapan para magsampa ng kaso habang nakikipagtulungan ang iba pang complainant.
Modus anya ng mga nagpapautang na ang kanilang ipinapautang ay 128 days na babayaran ngunit magugulat na lamang ang nangungutang na babayaran lamang sa loob ng pitong araw.
Lahat din anya ng contacts ng mga nangungutang ay kinukuha ng mga nagpapautang at tinatawagan kapag hindi nakabayad ang kanilang borrower.
Ang matundi pa anya ay pinagbabantaan ang buhay ng nakautang maging ng kanilang pamilya o mga anak at ipopost ang kanilang mukha sa social media.
Maraming sites anya ang mga nagpapautang online at system generated na ang mga ito kayat dapat na maging maingat ang publiko sa pag-click o pagbukas sa mga ipinapadalang link.