--Ads--

Patuloy ang pag-aasikaso ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan sa mga business owner na magre-renew at mag-aapply ng kanilang Fire Safety Inspection Certificate (FSIC) sa lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCINSP. Francis David Barcellano, Fire Marshal ng BFP Cauayan, sinabi niyang online na ang proseso ng pag-aapply at pagre-renew ng FSIC Clearance sa pamamagitan ng Fire Safety Inspection System (FSIS).

Ayon kay Barcellano, nagsimula ang implementasyon ng online system noong nakaraang taon at nagkaroon ng ilang hamon dahil sa transition mula sa manual patungo sa online na proseso. Gayunman, may mga isinagawang pagbabago ngayong taon upang mas mapadali ang transaksyon ng mga business owner.

Aniya, kailangan munang magtungo ang mga aplikante sa City Business Permits and Licensing Office (BPLO) upang kumuha ng assessment. Matapos nito, may mga personnel ng BFP sa Business One-Stop Shop area na tutulong sa pagre-record ng aplikasyon at magbibigay ng paunang abiso sa mga aplikante.

--Ads--

Sa kasalukuyan, patuloy pa ring inaayos ng BFP ang profiling ng mga aplikante kaya pinapapunta muna ang mga business owner sa tanggapan ng BFP upang mas matulungan sila sa pag-aapply at pagbabayad sa pamamagitan ng online system.

Dagdag pa ni Barcellano, kapag nakasanayan na ng mga business owner ang online application process, hindi na nila kinakailangang personal na magtungo sa tanggapan ng BFP dahil lahat ng transaksyon ay maaari nang gawin online.

Upang maiwasan ang backlog sa pagproseso ng FSIC, nagpatupad ang BFP ng alternatibong hakbang katuwang ang BPLO. Ayon sa kanya, maaaring maunang ma-issue ang business permit ng mga negosyo kahit pending pa ang FSIC, upang hindi maantala ang operasyon ng mga negosyo habang hinihintay ang release ng sertipikasyon.

Inaasahan naman ng BFP Cauayan na dadagsa pa ang mga aplikante sa mga susunod na araw kaugnay ng patuloy na renewal ng kani-kanilang business permit.