Pinili ng ilang mga tricycle driver sa Lungsod ng Cauayan na maagang magpa-renew ng prangkisa ngayong 2026 upang maiwasan ang abala at siksikan sa mga susunod na araw ng renewal.
Ilan sa mga driver ang nagsabing hindi na nila inantay ang huling araw ng renewal dahil inisip nilang mas mahihirapan silang mag-proseso kapag dumami na ang kanilang mga aplikante.
Mayroon namang ilan na kasalukuyan pa lang na naglalakad ng mga kinakailangang dokumento para sa renewal ng prangkisa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Solero Silaran Jr., isang tricycle driver, sinabi niya na karamihan sa kanilang hanay ay nasa proseso pa lamang ng pagkuha at pagsumite ng requirements.
Inaasahan naman na sa buwan ng Pebrero ay magre-renew na ang karamihan sa kanilang mga kasamahan.
Opisyal namang magsisimula ang renewal of franchise sa araw ng Lunes, Enero 12 at magtatapos hanggang Marso 15, 2026.
Binigyan naman umano 60-day extension ang mga tricycle drivers hanggang May 15 upang makumpleto ang kanilang renewal.
Gayunpaman, ang mga hindi makakapag-renew hanggang March 15 ay papatawan na ng kaukulang penalty kahit pa may ibinigay na extension.
Pinayuhan naman ni Silaran ang mga kapwa nito namamasada na wala pa ring prangkisa na kumuha na ng franchise upang makapagpasada ng maayos at naaayon sa batas at upang maiwasan ang pagiging kolorum.







