Nagulantang ang Kamara nitong Lunes, Setyembre 15, nang biglang pumasok si Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga sa opisina ni Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos upang ipahayag ang kanyang intensyong tumakbo bilang Speaker ng House of Representatives.
Ayon kay Antipolo City 1st District Rep. Ronnie Puno, naganap ang insidente bandang tanghali habang nasa pagpupulong si Rep. Marcos. Isinara umano ni Barzaga ang pinto ng opisina at sinabing makinig sila bago inilahad ang planong pagtakbo bilang Speaker of the House.
Dagdag pa ni Puno, nag-alok pa si Barzaga ng posisyon bilang Deputy Speaker sa isa sa mga naroon, bagamat hindi tinukoy kung sino.
Bago ang insidente ay nag post umano sa social media si Barzaga “It will be decided this week, when the Speaker [Martin Romualdez] steps down… the House of Representatives will vote between Speaker Kiko Barzaga and Speaker Sandro Marcos!”
Ayon kay Puno, nabigla ang mga nasa opisina ngunit hindi gaanong nag-react. Pinabayaan lang umano siya ni Rep. Marcos, na kilala bilang isang maginoo. Pagkatapos ng ilang sandali, umalis din si Barzaga nang walang nangyaring komprontasyon.
Sa plenary session kinahapunan, nakita si Barzaga na umiikot at nangangampanya bilang Speaker. Tinawag pa niya ang sarili bilang “congressmeow” habang sinasabing idedeklara niyang bakante ang lahat ng posisyon sa Kamara.
Bilang tugon, pinalitan siya ni Cavite 8th District Rep. Aniela Tolentino bilang Assistant Majority Leader isang hakbang na inaasahan matapos niyang kumalas sa National Unity Party (NUP) at sa majority bloc.
Ipinahayag din ni Puno na maghahain ng ethics complaint ang NUP laban kay Barzaga dahil sa ilang paglabag sa asal ng isang mambabatas.











