--Ads--

Nahaharap ngayon sa iba’t ibang kasong kriminal si Davao City First District Representative Paolo “Pulong” Duterte kabilang ang human trafficking, attempted murder, grave threats, at physical injuries, matapos magsampa ng reklamo ang isang negosyante kaugnay sa marahas na insidente ng pananakit sa loob ng isang high-end na bar sa Brgy. Obrero noong madaling-araw ng Pebrero 23, 2025.

Isinumite ni Kristone John Patriarca na residente ng Panacan, Davao City sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at sa Office of the City Prosecutor ang kanyang sinumpaang salaysay. Ang kaso ay may kaukulang paglabag sa Article 265 (Less Serious Physical Injuries) at Article 282 (Grave Threats) ng Revised Penal Code.

Ayon kay Patriarca, siya ay pinagsusuntok, sinipa, binulyawan, at tinangkang saksakin ng kongresista gamit ang patalim sa loob ng Hearsay Gastropub Bar, kasunod ng alitan kaugnay sa bayad para sa mga babaeng umano’y inarkila para sa isang pribadong salu-salo sa utos ni Duterte at ng kanilang kaibigang negosyanteng si Charlie Tan.

Sa reklamo, sinabi ni Patriarca na inutusan siya ni Tan na dalhin ang anim na magagandang babae sa bahay nito sa Woodridge, Brgy. Maa, kung saan naroroon na sina Duterte at ilang Chinese businessmen na umiinom.

--Ads--

Dumating umano si Patriarca bandang alas-8:00 ng gabi kasama ang tatlong babae, habang dumating naman ang dalawa pa makalipas ang kalahating oras.

Nag-ugat umano ang karahasan nang malaman ni Duterte na isa sa kanyang bodyguard ay walang kasamang babae, at isa pang babae ang nag­reklamo na P1,000 lamang ang ibinayad sa kanya—malayo sa P13,000 na naunang ipinangako.

Dahil dito, nagalit umano ang kongresista, sinigawan si Patriarca, itinulak pababa ng hagdan, at sinimulang bugbugin. Tumagal ng halos dalawang oras ang pananakit ng kongresista at binibigyan siya ng tig-P1,000 sa bawat suntok, sampal, at sipa na parang naglalaro.

Dahil sa takot sa maimpluwensyang pamilya ay natakot umano siyang magsampa agad ng kaso.

Matapos ang mahabang panahon na pagninilay ay nagpasya na  siyang ituloy ang kaso.

Sa ngayon, wala pa namang opisyal na pahayag si Congressman Duterte ukol sa mga paratang.