Hinamon ni House Committee on Public Accounts Chairperson at Bicol Saro party-list Representative Terry Ridon si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na maglabas ng matibay na ebidensya kaugnay ng alegasyon na may mga mambabatas umanong tumatanggap ng 30% hanggang 40% na kickback mula sa mga proyekto ng gobyerno, partikular sa mga flood control projects.
“Mabigat ang akusasyon. Kaya gusto nating makita mula kay Mayor Magalong, nasaan ang ebidensya na may mga kongresista o senador na tumatanggap ng 30% o 40% ng pondo mula sa proyekto,” ani Ridon sa isang panayam.
Ayon kay Ridon, matagal nang binabanggit ni Magalong ang isyung ito sa publiko, kaya’t panahon na umano upang ito ay mapatunayan.
Tiniyak din ni Ridon na magsasagawa ng imbestigasyon ang kaniyang komite hinggil sa nasabing alegasyon. Kapag natapos na aniya ang pagbuo ng mga komite sa Kamara, maaaring simulan ang pagdinig sa huling bahagi ng Agosto.
Pagdating naman sa posibilidad na ipatawag si Mayor Magalong sa pagdinig, sinabi ni Ridon: “Dapat lang. Para mailahad niya ang buong detalye at ma-subject ito sa actual scrutiny.”
Dagdag pa ni Ridon, wala silang sasantuhin sa imbestigasyon, maging ito man ay mambabatas, regional director, district engineer, o kahit mataas na opisyal ng ahensya.
“Kung may maipapakitang ebidensya kung sino ang sangkot, mas maganda. Pati kami ay papalakpak sa kaniya,” diin pa ng kongresista.











