Nakatakdang humarap ang ilang miyembro ng Kamara bilang resource persons sa pagdinig ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) mula Disyembre 2 hanggang Disyembre 5.
Kabilang sa mga dadalo sina House Majority Leader Sandro Marcos, Davao City 1st District Rep. Pulong Duterte, Benguet Rep. Eric Yap, Laguna 4th District Rep. Benjie Agarao, at Bulacan 1st District Rep. Danny Domingo.
Makikiisa rin sa pagdinig ang mga opisyal at kinatawan mula sa Land Bank of the Philippines (LBP).
Layunin ng naturang komisyon na makakalap ng mahahalagang impormasyon at pananaw mula sa mga mambabatas at ahensya ng pamahalaan kaugnay ng mga proyekto sa imprastruktura, partikular sa usapin ng pondo, implementasyon, at transparency.
Ang ICI ay itinatag upang magsilbing independent body na tumutulong sa pagsusuri ng mga proyektong pang-imprastruktura ng bansa. Sa harap ng mga kontrobersya hinggil sa paggamit ng pondo at mabagal na implementasyon ng ilang proyekto, inaasahang magiging mahalaga ang testimonya ng mga kongresista at ahensya upang masagot ang mga tanong ng publiko.











