Pinag-aaralan na ng mga kinauukulan ang pagpapatupad ng rerouting scheme sa Cauayan City bilang tugon sa patuloy na lumalalang problema sa trapiko, lalo na tuwing rush hour o oras ng pasukan at uwian.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, araw-araw ay kapansin-pansin ang pagbagal ng daloy ng trapiko sa iba’t ibang lansangan sa lungsod, partikular sa mga lugar na malapit sa mga paaralan, pamilihan, at mga establisimyento ng negosyo.
Aniya, sumisikip ang mga pangunahing kalsada tuwing umaga at hapon dahil sa sabay-sabay na pagbiyahe ng mga pribadong sasakyan at pampublikong transportasyon.
Bagama’t aminado siyang wala pang konkretong plano sa ngayon hinggil sa rerouting, patuloy naman ang kanilang isinasagawang pag-aaral at konsultasyon upang makabuo ng epektibong solusyon.
Isa sa mga tinitingnang hakbang ay ang posibleng pagpapatupad ng number coding scheme sa mga tricycle upang mabawasan ang dami ng bumibiyahe sa isang araw.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa mahigit 7,000 tricycle ang nakarehistro sa lungsod, na malaki umano ang ambag sa dami ng sasakyang dumaraan sa mga pangunahing kalsada. Gayunman, kinikilala ng pamahalaang lungsod ang mahalagang papel ng mga tricycle bilang pangunahing pampublikong transportasyon ng maraming residente.
Dahil dito, kinakailangan pa ng masusing pag-aaral at sapat na konsultasyon sa mga transport groups at iba pang stakeholders upang matiyak na magiging epektibo at makatarungan ang anumang regulasyong ipatutupad.









