CAUAYAN CITY– Muling nakapagtala ng sunog ang Bureau of fire Protection (BFP) Cauayan City matapos na masunog ang isang bahay sa Buena Suerte, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sinikap ng mga bumbero na maisalba ang mga gamit na nasa loob ng nasusunog na bahay sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagbuga ng tubig sa bahay.
Maliban sa ilang mga nasunog na kagamitan ay nabasag ang mga bintana ng bahay at nagkayupi-yupi ang mga yero sa bubungan dahil sa lakas ng apoy.
Ang nasunog na bahay ay pag-aari ni Ginang Esperanza Lapat.
Ayon sa hipag ng may-ari ng bahay, una nilang inakalang may nasusunog na kanin ngunit makaraan ang ilang minuto ay may malaking apoy na galing sa loob ng bahay kaya agad silang tumawag sa BFP Cauayan City.
Samantala, faulty electrical wiring ang isa sa nakikitang sanhi ng pagkakasunog sa apat na establisyemento sa Rizal Avenue District 3, Cauayan City kagabi.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Chief Inspector Aristotle Atal, Fire Marshal ng BFP Cauayan City, kanyang sinabi na hindi nila nakitaan ng aspetong arson o sinadya ang pagsunog sa gusali.
Aniya, sa kanilang pagtugon sa naturang sunog, nakita nila ang ilang kagamitan na hindi natanggal ang saksakan.
Tumagal ng 50 minuto bago tuluyang naapula ang apoy at naideklarang fireout.
Umabot din sa ikatlong alarma ang sunog dahilan upang umayuda ang ilang fire trucks ng mga BFP station na mula sa Cabatuan, Luna, Reina Mercedes, Echague, Naguilian at Alicia.
Hindi pa mabatid kung magkano ang halaga ng mga ng ari-arian na tinupok ng apoy na mula sa isang salon, lechonan ng manok, computer shop at surplus shop.
Sa ngayon ay kinordonan muna ang gusali para sa pagsasagawa ng imbestigasyon at hindi muna pinapayagan ang mga may-ari na pasukin ito para hindi maapektuhan ang kanilang pagsisiyasat.
Idinagdag pa ng Fire Marshal na hindi na nila irerekomenda na isailalim sa renovation ang naturang gusali dahil sa tagal ng pagkasunog nito.











