Tinupok ng apoy ang isang residential house sa Babaran, Echague, Isabela nitong Biyernes, Marso 27.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO1 Lawrence Cyric Guzman, Investigation Intelligence Unit ng Bureau of Fire Protection (BFP) Echague, sinabi niya na dakong 10:53 ng umaga nang makatanggap sila ng ulat mula sa isang concerned citizen na mayroong nasusunog na isang bahay sa Purok 6 ng nasabing lugar.
Agad namang rumesponde ang kanilang hanay subalit pagdating sa fire scene ay natupok na ng husto ang bahay dahil na rin sa gawa ito sa light materials sa kabila ng pagtutulungan ng mga residente na apulahin ang sunog habang nag-aantay ng bumbero.
Dakong 11:19 ng umaga nang maideklara itong fire out.
Ayon kay FO1 Guzman, wala sa bahay ang may-ari nang masunog ito. Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng BFP Echague, nagmula ang sunog sa wirings ng bahay.
Batay sa pakikipag-ugnayan ng mga awtoridad sa may-ari ng bahay, napansin na umano nito na may ground na ang wirings sa kanilang bahay dahilan upang kaniya itong ipinasuri sa isang electrician subalit hindi ito naayos.
Tinatayang nasa ₱200,000 pesos ang inisyal na halaga ng nasunog na bahay kabilang na rito ang dalawang motorsiklo na nadamay rin sa sunog.











