--Ads--

Tinupok ng apoy ang isang residential house sa Barangay 4, San Mateo, Isabela na pagmamay-ari ni Fausta Lidang, 77-anyos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fausta Lidang, sinabi niya na dakong alas-2 ng madaling araw nitong June 13 nang mamalayan nila ng kaniyang apo na nasusunog ang kanilang bahay.

Kaagad naman silang lumabas at humingi ng saklolo sa kanilang mga kapit-bahay upang apulahin ang apoy.

Malaki na rin umano ang sunog nang maka-responde ang mga kasapi ng Bureau of Fire Protection dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy.

--Ads--

Napag-alaman na ang bahay ay nagsilbi ring imabakan ng uling at tinatayang 300 sako ng uling ang nasa lugar nang maganap ang sunog.

Wala aniya silang naisalba na kahit na anong gamit maliban na lamang sa ilang mahahalagang dokumento.

Bagama’t magkakadikit ang mga bahay sa lugar ay hindi naman na nadamay pa ang ilan sa mga ito dahil sa fire wall.

Nagpapatuloy naman sa ngayon ang isinasagawang pagsisiyasat ng BFP upang matukoy ang sanhi ng sunog.