--Ads--

Pinagtibay ng Kamara ang resolusyon na nagsusulong na i-livestream ang deliberasyon ng Bicameral conference committee sa panukalang P6.793 trilyong national budget para sa 2026.

Ang House Concurrent Resolution 8, na akda nina Speaker Faustino Dy III, House Majority Leader Sandro Marcos, House Minority Leader Marcelino Libanan, at Appropriations Committee Chairperson Mikaela Angela Suansing ay pinagtibay sa sesyon ng plenaryo noong Miyerkoles.

Ayon sa mga may-akda ang HCR 8, nagtataguyod ng transparency at accountability sa paggawa ng budget ng bansa.

Idineklara ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega, ang nag-preside ng sesyon, ang pagpapatibay ng resolusyon matapos ang viva voce voting.

--Ads--

Nakatakdang simulan ng Bicameral conference committee ang deliberasyon sa panukalang budget sa Disyembre 12. Ito ang unang pagkakataon na ila-livestream ang deliberasyon.

Ang pagbubukas ng deliberasyon ng Bicameral conference committee ay inilutang noong Hunyo ng noon ay Speaker Ferdinand Martin Romualdez. Sinusugan naman ito ng pumalit sa kanya na si Speaker Dy.