--Ads--

Naghain ng resolusyon ang ilang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso upang hilingin ang muling pagbabalik ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Matatandaang umatras ang administrasyon ni Rodrigo Duterte sa pagiging kasapi ng ICC noong Marso 2018.

Pinangunahan nina Reps. Renee Co, Antonio Tinio at Sarah Jane Elago ng Makabayan bloc ang House Resolution 809. Samantala, inihain naman nina Akbayan Reps. Perci Cendaña, Chel Diokno, Dadah Kiram Ismula at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao ang House Resolution 811.

Ayon sa Makabayan bloc, ang muling pagsali ng bansa sa ICC ay isang  malinaw at matibay na mensahe na iginagalang ng Pilipinas ang mga obligasyong nakasaad sa Konstitusyon, pinahahalagahan ang kabanalan ng buhay, at determinado itong wakasan ang kultura ng impunity at karahasang may kinalaman sa estado.

--Ads--

Iginiit din ng mga mambabatas na ang pakikipag-ugnayan muli sa ICC ay magpapalakas sa reputasyon ng bansa bilang isang demokrasya na kumikilala at gumagalang sa karapatang pantao, magbabalik ng tiwala ng pandaigdigang komunidad sa sistemang panghukuman ng Pilipinas, at magpapatibay ng ugnayang nakabatay sa hustisya, mabuting pamamahala at panuntunan ng batas.

Nakasaad sa HR 809 na pormal nitong hinihikayat ang pamahalaan na magsagawa ng mga kinakailangang hakbang para sa re-accession ng Pilipinas sa Rome Statute upang makabalik sa ICC at muling pagtibayin ang pangako sa pagtataguyod ng hustisya, dignidad ng tao at rule of law.

Ayon kay Cendaña, ang pagbabalik ng Pilipinas sa ICC ay isang hakbang ng pakikiisa sa mga biktima ng umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng nakaraang administrasyon.