
CAUAYAN CITY – Masayang tinanggap ng mga magulang ni 2Lt Gemalyn Sugui, number 1 sa PMA Masidlawin Class 2020 ang resolusyon ng pagbati at pagkilala sa kanilang anak na dinala kahapon ng mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan ng Isabela.
Apat na miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni SP Member Alfredo Alili ang nagbigay sa resolusyon sa mga magulang ni 2Lt Sugui na sina Ginoong George Sugui, dating barangay kapitan at Ginang Selma Sugui, grade 1 teacher sa San Fabian Elementary School.
Kasama ni SP Member Alili na nagtungo sa bahay ng pamilya Sugui sa San Antonio Minit, Echague, Isabela sina SP Members Clifford Raspado, Abegail Sable at Gretchen Valdez.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SP member Alfredo Alili, sinabi niya na bukod sa pagkilala ay pag-uusapan pa ng Sangguniang Panlalawigan ang pagbibigay ng cash incentive kay 2Lt Gemalyn Sugui.
Nagpasalamat sila sa karangalang ibinigay sa Isabela ni 2Lt Sugui at hangad nila na ang kanyang tagumpay sa PMA ay magsisilbing hamon at inspirasyon sa mga kabataan.
Nagpasalamat naman ang mag-asawang Sugui sa pagbati at pagkilala ng pamahalaang panlalawigan sa nakamit na tagumpay ng kanilang anak sa kanyang pagtatapos sa PMA.










